CAUAYAN CITY- Sugatan ang dalawang estudyante na sakay ng motorsiklo matapos nilang masagi ang kasalubong na kuliglig sa Barangay San Vicente, Jones, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Plt. Gaylord Clemente ang Deputy Chief of Police ng Jones Police Station, sinabi niya na ang aksidente ay kinasangkutan ng isang single motorcyle na minamaneho ng isang menor de edad na estudyante na residente ng Barangay Diarao, Jones, Isabela at isang Kuliglig na minamaneho ni Cesario Rosete isang magsasaka.
Batay sa imbestigasyon nasa magkabilang linya ang motorsiklo at kuliglig, pagdating sa lugar na pinangyarihan ng aksidente ay bigla aniyang umagaw ng linya ang motorsiklo.
Nahagip ng motorsiklo ang kuliglig sanhi para mawalan ng kontrol sa manibela ang estudyante at sumalpok sa isang puno sa gilid ng daan.
Kapwa nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver at backrider ng motorsiklo na hanggang ngayon ay nanatili parin sa pagamutan.
Napagalaman na overspeeding o mabilis ang takbo ng motorsiklo at nag-overetake sa isang tricycle bago nahagip ang kasalubong na kuliglig.
Paalala niya na ang mga farm machineries, manatili sa outerlane para maiwasan na masangkot sa aksidente.
Nagpaalala din siya sa mga magulang at mga estudyante na huwag ugaliin ang pagmamaneho na walang suot ng helmet.
Babala niya na araw araw silang nag iissue ng ticket sa mga nahuhuling menor de edad na nagmamaneho ng motorsiklo.











