Nasunog ang isang kantina sa National Irrigation Administration (NIA) sa Kalinga nitong Miyerkules, Agosto 13, 2025, pasado alas-singko ng umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Inspector Romarico Dacuycuy III, Deputy City Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP) Tabuk City, sinabi niyang pasado alas-singko ng umaga nang magsimula ang apoy, na pinaniniwalaang nagmula sa electrical wiring ng ilang appliances.
Sinubukan umanong apulahin ng mga empleyado ang apoy gamit ang tubig, ngunit mabilis itong kumalat dahil sa bubong na yari sa nipa.
Agad rumesponde ang BFP matapos tawagan ng naka-duty na security guard, ngunit tuluyan nang natupok ang mga kagamitan sa loob ng kantina bago pa man naapula ang apoy.
Tinatayang mahigit ₱216,000 ang halaga ng mga nasirang kagamitan, bukod pa sa pagkasira ng lumang gusaling ginagamit bilang kantina ng NIA-Kalinga.
Muli ring pinaalalahanan ni FInsp. Dacuycuy ang publiko na itabi o i-save ang numero ng mga pinakamalapit na fire station upang agad silang makontak sakaling magkaroon ng sunog.
Dagdag pa niya, sa halip na unahin ang pagkuha ng video sa ganitong insidente, mas mahalagang tawagan agad ang mga bumbero para sa agarang aksyon. Aniya, dapat isaalang-alang ang kaligtasan at kapakanan ng kapwa kaysa magpaviral sa social media.











