Pinaiimbestigahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Centerways Construction and Development Inc. na umano’y pagmamay-ari ni Lawrence Lubiano na nakakuha umano ng P5.16 bilyon na flood control projects.
Magugunitang kabilang ang pangalan ni Lubiano sa mga ibinunyag ni Pangulong Marcos na top donor sa 2022 senatorial election ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na kung saan nag-donate umano ito ng P30 milyon para sa kampanya ng senador.
Batay sa mapagkakatiwalaang source, ipinag-utos na ng Pangulo ang agarang pag-iimbestiga sa lahat ng kumpanya kabilang na ang kay Lubiano na nakakuha ng kontrata mula 2021 hanggang 2024.
Maliban kay Escudero si Lubiano ay kilala ding malapit kay Vice Governor Diday Co na kapatid ni Congressman Zaldy Co na kasama rin sa 15 pinangalanang kontratista ng Pangulo.
Maliban sa biglaang paglobo ng kanyang kontrata na kung saan noong 2021 ay lima lamang ang kanyang flood control project, sumirit ito sa 44 na kontrata noong 2022. Ang kumpanya ni Lubiano ay pang-pito sa 15 top flood control project contractors na pinangalanan ni Marcos.
Natuklasan din kasi na 96% ng proyekto ng kumpanya ni Lubiano mula 2021 hanggang 2024 ay nasa Bicol Region habang tatlong porsyento ay nasa Central Visayas.











