Tatlong sundalo ang kumpirmadong nasawi sa sagupaan ng mga tropa ng Philippine Army at tinatayang 15 miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Bituin, Barangay Lantuyang, Baco, Oriental Mindoro noong araw ng Martes.
Batay sa ulat ng 203rd Infantry Brigade, nagsasagawa ng pursuit operations ang militar kasunod ng naunang engkwentro noong Agosto 9, kung saan nakumpiska ang mga iniwang war materials ng NPA.
Sa nasabing engkwentro nasawi ang tatlong sundalo, kabilang si Capt. Marky John O. Alberto at Pvt. Julian R. Oracion ng First Scout Ranger Regiment,habang tatlong sundalo pa ang nasugatan at kinailangan na ilipad sa V. Luna Hospital sa Quezon City.
Ayon sa 203rd Infantry Brigade, nagsimula ang putukan bandang alas-6:00 ng umaga nang magsagawa ng operasyon ang tropa ng gobyerno batay sa ulat ng presensya ng mga rebelde sa lugar.
Tumakas ang mga NPA matapos ang palitan ng putok, iniwan ang ilang kagamitan at dokumento.
Patuloy ang pagtugis at operasyon ng militar upang matiyak ang seguridad ng mga residente at maiwasan ang muling pagbabalik ng mga rebelde sa komunidad.
Si Capt. Alberto ay anak ni Ret. LtGen. Macairog “Macky” Alberto, dati ring Scout Ranger Officer, dating Philippine Ambassador to Israel at tumakbong gobernador sa Catanduanes noong nakaraang halalan.
Samantala, Daang-daang pamilya ng mga katutubong Mangyan ang lumisan sa kanilang mga tahanan sa kabundukan patungo sa kapatagan upang makaiwas sa bakbakan ng mga tropa ng pamahalaan at mga hinihinalang NPA.
Nasa 1,000 pamilya na mula sa Barangay Lantuyang, San Ignacio, Bayanan at Bangkatan ang bumaba ng bundok at ngayon ay kinakalinga ng lokal na pamahalaan.









