--Ads--

Binibigyan ng limang araw ng tanggapan ni Senador Robin Padilla ang isang babaeng empleyado nito upang magpaliwanag, matapos ang ulat mula sa isang online news site na nagsasabing nahuling gumagamit umano ito ng marijuana o “joint” sa loob mismo ng gusali ng Senado.

Kasabay nito, nagsimula na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado kaugnay ng insidente.

Batay sa ilang media reports, sinasabing may personnel mula sa OSAA na nakaamoy ng marijuana at natunton ito sa opisina ng isang senador. Sa loob ng banyo, isang babaeng staff ang nadatnang wala namang hawak at sinabing air freshener umano ang sanhi ng amoy. Gayunman, may mga source umano na nagsasabing maaaring itinapon na ang ebidensya sa kubeta.

--Ads--

Tumanggi munang ilabas ang pangalan ng babaeng staff hangga’t hindi ito nakapagsusumite ng pahayag. Kinausap na rin umano ang mga staff ng opisina upang alamin kung may katotohanan ang ulat.

Samantala, nitong Miyerkules ay kinumpirma ng OSAA na patuloy silang magsasagawa ng random drug testing sa mga empleyado at staff ng Senado kasunod ng ulat.

Tiniyak rin ng OSAA na magsusumite sila ng ulat sa Senate President sa lalong madaling panahon at magbibigay ng update sa media kaugnay ng imbestigasyon.