Nakababahala ang babala ni Senador Bam Aquino na posibleng umabot pa ng limang administrasyon bago tuluyang maresolba ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa.
Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), may kulang pang humigit-kumulang 165,000 classrooms sa ngayon.
Kung ganito kabagal ang aksyon ng gobyerno, malinaw na maraming henerasyon ng kabataan ang magpapatuloy sa pag-aaral sa masisikip, mainit, at hindi maayos na pasilidad.
Mas masakit pa, ayon sa ulat ng senador, tila may malinaw na solusyon naman ngunit hindi agad tinutugunan.
Kapag dumaan sa DepEd at Department of Public Works and Highways (DPWH), tumataas ang gastos sa ₱2.5 milyon hanggang ₱3.8 milyon kada classroom at inaabot pa ng ilang taon bago matapos.
Sa kabaligtaran, kayang ipatayo ng mga lokal na pamahalaan (LGU) at pribadong sektor ang parehong silid-aralan sa mas mababang halagang ₱1.5 milyon hanggang ₱2 milyon at natatapos sa loob lamang ng isang taon.
Ang tanong, bakit mas pinipili ang mas mahal at mas mabagal na proseso? Bawat araw ng pagkaantala ay dagdag na kabataang nadedeprive sa tamang education.
Sa kanyang SONA, nangako ang Pangulo ng pagtatayo ng 40,000 classrooms.
Kayang-kaya ito kung aalisin ang katiwalian, babawasan ang burukrasya, at bibigyang kapangyarihan ang LGU na magpatayo nang mas mabilis at mas mura.
Ngunit kung mananatili ang kasalukuyang sistema, mananatili lamang sa papel ang pangako at patuloy na magiging pangarap ang maayos na silid-aralan para sa lahat.
Hindi dapat gawing dahilan ang kakulangan sa pondo. Ang tunay na ugat ng problema ay maling alokasyon at mabagal na proseso.
Sa halip na ituon sa magastos at mabagal na proyekto, dapat ipamahagi ang pondo sa mas maraming LGU at partner na mas mahusay magpatupad.
Ang edukasyon ay pundasyon ng kinabukasan, at ang silid-aralan ang unang hakbang.
Hindi sapat ang pangako, ang kailangan ay agarang aksyon. Kung patuloy na maghihintay, baka hindi lang limang administrasyon ang kailangan, kundi higit pa, at sa panahong iyon, milyon-milyong batang Pilipino na ang mawawalan ng pagkakataon para sa dekalidad na edukasyon dahil sa mabagal at magastos na sistema.











