Inihayag ng pamunuan ng Schools Division Office (SDO) Cauayan na aabot sa halos dalawandaang silid-aralan ang kulang sa mga pampublikong paaralan sa kanilang nasasakupan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Planning Officer III Lowell Lazaro ng SDO Cauayan, sinabi niya na ang aktwal na bilang ng mga silid-aralan ay nasa 950, habang ang bilang ng mga organized classes ay nasa 1,137. Ibig sabihin nito, may kakulangan na 187 classrooms.
Sa breakdown ng datos, nangangailangan ang elementarya ng karagdagang 89 silid-aralan, ang Junior High School ng 84, at ang Senior High School naman ng 15.
Dahil sa kakulangan, ilan sa mga non-instructional rooms gaya ng mga library at faculty room ay ginagamit na bilang pansamantalang silid-aralan.
Kabilang sa mga paaralang may pinakamalaking pangangailangan ng dagdag na silid-aralan ang Cauayan City Stand Alone Senior High School at Cauayan City National High School. Ito ay dahil sa mataas na bilang ng mga estudyante, kabilang ang mga mag-aaral mula sa ibang bayan na doon na rin nag-enroll.
Sa ngayon, pinagpaplanuhan na ng SDO Cauayan ang tinatawag na “declogging” o pagbabawas ng dami ng mag-aaral sa isang silid-aralan sa pamamagitan ng paglipat ng ilan sa ibang classrooms. Una nang humiling ang mga paaralan ng pondo para sa pagpapatayo ng karagdagang classrooms, at tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City na gagawan ito ng paraan.
May mga silid-aralan na kasalukuyang ipinapatayo sa ibang paaralan, bagama’t maaaring matagalan pa ang ilan bago matapos. Mayroon ding mga proyekto na malapit nang makumpleto.
Nauna nang napaulat na may isang paaralan sa lungsod na gumamit ng entablado o stage bilang pansamantalang classroom, ngunit agad naman itong inaksyunan ng SDO.
Batay sa pamantayan ng Department of Education (DepEd), ang rekomendadong bilang ng estudyante sa isang silid-aralan ay hanggang 25 mag-aaral para sa Kindergarten, hanggang 35 mag-aaral para sa Elementary at Junior High School, at hanggang 40 mag-aaral para sa Senior High School.
Kung lalampas sa mga bilang na ito, maaaring maapektuhan ang kalidad ng pagtuturo at pagkatuto ng mga bata. Dahil dito, mahalagang matugunan agad ang kakulangan ng mga silid-aralan upang masiguro ang maayos na kalidad ng edukasyon sa lungsod.











