--Ads--

Nagpaalala ang Diadi Municipal Police Station sa mga motorista na maging maingat upang maiwasan ang mabigat na trapiko at mga aksidente sa kanilang lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay kay PCpt. Daryl Marquez, Chief of Police ng Diadi, sinabi niya na kamakailan lamang ay nagkaroon ng aksidente kung saan isang forward truck na may kargang mini backhoe ang nawalan ng preno. Dahil dito, isinadsad ng tsuper ang sasakyan sa gilid ng kalsada sa Maharlika Highway, Barangay Balete, Diadi, Nueva Vizcaya. Tumagilid ang truck at humarang sa isang lane, na naging sanhi ng pagsikip ng daloy ng trapiko.

Bukod dito, naiulat din ang banggaan ng isang close van at trailer truck sa Nagsabaran, Diadi. Ayon sa ulat, nahirapan ang mga sasakyan sa palusong na kalsada, at nawalan ng preno ang van. Sugatan ang driver at pahinante, at kapwa isinugod sa pagamutan; isa sa kanila ang sumailalim sa operasyon dahil sa malalim na sugat sa paa.

Dahil sa mga insidenteng ito, muling nananawagan ang PNP Diadi sa lahat ng motorista na sumunod sa batas trapiko, mag-ingat sa mga matarik at paikot na kalsada, at iwasang magmadali upang maiwasan ang disgrasya.

--Ads--

Dagdag pa rito, pinaalalahanan din nila ang mga motorista na magsagawa ng vehicle safety check bago bumiyahe, lalo na sa malalayong ruta. Kabilang sa mga dapat suriin ay ang preno, gulong, ilaw, langis, coolant, baterya, at windshield wipers. Makabubuti ring tiyakin na maayos ang karga at hindi sobra ang bigat upang maiwasan ang mechanical failure sa biyahe.