Kulong ang isang service crew matapos pagnakawan ang isang coffee shop sa Barangay San Fermin, Cauayan City.
Ang suspek ay itinago sa alyas na Domz, 32 anyos, may asawa, service crew sa isang restaurant, at residente ng Benito Soliven, Isabela ngunit pansamantalang naninirahan sa San Fermin, Cauayan City.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Cauayan City Police Station, dakong alas-8 ng umaga kahapon nang mapansin ni Sana Pauline Antolin, coffee shop supervisor, na sira na at wala nang laman ang tip box at vault ng kanilang establishment.
Agad niyang tinawagan ang may-ari ng coffee shop na si Mel Mari Angelo Laciste, residente ng Reina Mercedes, Isabela.
Nang malaman ang insidente, agad nagtungo sa coffee shop ang may-ari at pinanood ang CCTV footage. Dito agad natukoy ang suspek na asawa ng shop manager, na itinago sa alyas na Maymay.
Tinangay ng suspek ang laman ng vault na nagkakahalaga ng ₱32,179 at ang laman ng tip box na ₱1,300. Sa kabuuan, ₱33,479 ang natangay nito.
Mabilis na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya ng Cauayan matapos positibong makilala ng biktima ang suspek batay sa CCTV footage.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.











