Tiniyak ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong nitong Biyernes na isusumite niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga dokumentong may kinalaman sa umano’y iregularidad sa mga flood control projects.
Ito ay matapos hikayatin ng Malacañang na ibigay niya sa Pangulo ang lahat ng ebidensya at impormasyon. Ayon kay Magalong, inaayos na nila ang mga papeles na isusumite.
Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara sa naturang alegasyon ng katiwalian. Batay sa impormasyon mula sa mga kontratista, sinabi ni Magalong na ilang mambabatas umano ang tumanggap ng kickback na umaabot sa 40% ng budget ng bawat proyekto, dahilan para 30% na lamang ang magamit sa aktwal na konstruksyon at magresulta sa mababang kalidad.
Iminungkahi rin ni Magalong na isang third party ang manguna sa imbestigasyon.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na 20% ng kabuuang P545 bilyong pondo para sa flood control projects ay napunta sa 15 contractors lamang.











