--Ads--

Nagbitiw sa puwesto si National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago, dahil umano sa isang “orchestrated move” o planadong hakbang upang sirain ang kanyang reputasyon.

Sa kanyang liham kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Biyernes, binigyang-diin ni Santiago ang mga kampanya kontra-korapsyon ng ahensya sa ilalim ng kanyang pamumuno. Kabilang dito ang pag-relieve sa isang special task force dahil sa iregularidad, at ang pagkakaaresto sa isang alkalde ng Pampanga at dating konsehal ng Albay kaugnay ng kasong pangingikil.

Ayon kay Santiago, ang kaniyang mga detractors ay may masamang intensyon sa kaniyang posisyon at patuloy ang ginagawang hakbang upang dungisan ang kaniyang pangalan at hindi umano niya  pahintulutan ang tila planadong pag-atake sa kaniyang reputasyon na pinaghirapan niyang buuin sa loob ng maraming taon.

Dagdag pa niya, naghain siya ng kaniyang irrevocable resignation na agarang magkakabisa sa oras na maitalaga ang kaniyang kapalit, upang hindi maantala ang maayos na operasyon ng ahensya.

--Ads--

Ayon sa NBI Director, nagsimula ang paninira sa kaniya matapos niyang maghain ng courtesy resignation bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos na ayusin ang kanyang gabinete bilang paghahanda sa 2025 midterm elections.

Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si Santiago hinggil sa umano’y orchestrated moves at hindi rin pinangalanan kung sino-sino ang nasa likod nito.

Itinalaga si Santiago bilang hepe ng NBI noong Hunyo 14, 2024.