Iginiit ni Isabela Governor Rodito Albano III na maraming lugar sa lalawigan ang flood-prone kaya’t kabilang ito sa mga probinsyang may pinakamaraming flood control projects.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi niiya na literal na nasa valley ang Isabela, dahilan kung bakit madalas bahain ang maraming bayan, partikular na sa hilagang bahagi ng probinsya.
Matatandaang kabilang ang Isabela sa Top 10 provinces na may pinakamaraming flood control projects, batay sa impormasyon na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Gayunman, ayon sa National Adaptation Plan, hindi kabilang ang Isabela sa mga pinaka-flood prone areas sa bansa.
Ayon kay Albano, mas kaunti na lamang ngayon ang mga insidente ng pagbaha dahil sa mga naitayong flood control projects. Gayunpaman, iginiit niyang marami pa ring bayan sa Isabela ang nakararanas ng pagbaha.
Binanggit pa niya na kailangan ng lalawigan ang mga flood control project dahil dito matatagpuan ang pinakamalaking ilog sa bansa na kahit walang bagyo ay nagdudulot ng pagbaha. Dagdag pa niya, nakatutulong ang Magat Dam sa pagpigil ng pagbaha, ngunit hindi nito kayang kontrolin ang mas malaking volume ng tubig, kaya may plano rin para sa pagpapatayo ng karagdagang dams sa ibabang bahagi nito.
Samantala, pabor si Gov. Albano na imbestigahan ng pambansang pamahalaan ang lahat ng maanomalyang flood control projects sa bansa upang malaman kung saan napunta ang pondo mula sa buwis ng taumbayan.
Nilinaw naman niya na hindi siya makikialam sa imbestigasyon dahil hindi na sakop ng kanyang kapangyarihan ang mga national projects.
Kabilang sa mga dapat masuri, ayon sa kanya, ang DPWH at COA, na naglaan ng pondo sa ilang flood control projects na umano’y substandard ang pagkakagawa.











