Muling nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 2 sa mga manggagawa at mga employer hinggil sa mga special at regular holiday ngayong buwan ng Agosto na may kaukulang dagdag na daily wage o sahod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dionisio Versola, Head ng Labor Standards Unit ng DOLE Region 2, sinabi niya na may dalawang holiday ngayong buwan ng Agosto.
August 21 ang Ninoy Aquino Day na isang special holiday kung saan may 30% dagdag sa daily wage ng manggagawa. Gayunman, umiiral ang prinsipyong No Work, No Pay. Samantala, sa August 25 naman ang National Heroes Day na isang regular holiday kung saan may 100% dagdag sa daily wage.
Ang manggagawang mabibigong makapasok o naka-unofficial leave isang araw bago ang August 25 ay hindi entitled sa 100% additional daily wage. Subalit ang naka-official day-off ay makatatanggap pa rin ng buong daily wage.
Pinaalalahanan din ni Versola ang mga employer na hindi susunod sa tamang pagbabayad ng holiday pay na maaari silang ireklamo sa tanggapan ng DOLE o sa kanilang opisyal na Facebook page.
Babala ng DOLE, kapag may natatanggap silang reklamo, personal nilang binibisita ang mga kumpanya, establisimyento, at employer na inirereklamo.
Ang mga mapapatunayang lumalabag ay maaaring patawan ng kaukulang parusa.











