--Ads--

Plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Cauayan na maglagay ng mga reflectorized device sa ilang tulay sa lungsod upang maiwasan ang posibleng aksidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na tuluy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa City Engineering Office upang magawan ng solusyon ang mga madidilim na bahagi ng mga tulay tuwing gabi.

Isa na rito ang Alicaocao Overflow Bridge na may hindi pantay na bahagi sa gitna matapos tambakan ng semento ang butas nito. Ayon kay Mallillin, delikado ito lalo na sa gabi, higit kung mga motorista ay hindi pamilyar sa kalagayan ng tulay.

Bagaman ang huling insidente ng pagkahulog ng isang tricycle sa nasabing tulay ay nangyari sa umaga, hindi pa rin aniya nawawala ang pangamba na maaaring maulit ang parehong insidente sa gabi.

--Ads--

Dahil dito, pinag-aaralan na nila ang paglalagay ng reflectorized device sa mga tulay na may vertical clearance upang magsilbing babala at paalala sa mga motorista na mag-ingat sa pagtawid.

Dagdag pa ni Mallillin, maingat din silang pumipili ng materyales na ilalagay sa mga tulay upang matiyak na hindi ito basta mawawash-out kapag tumaas ang tubig.