Aarangkada na ngayong araw sa Mababang Kapulungan ang deliberasyon ng P6.793 trilyong General Appropriations Bill para sa taong 2026.
Pangunahin sa unang araw ng pagdinig ng House Committee on Appropriations ang budget briefing ng mga miyembro ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) kaugnay ng panukalang badyet ng administrasyong Marcos na nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP).
Makakasama ni House Speaker Martin Romualdez ang chairperson ng Committee on Appropriations na si Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing sa pagtanggap sa mga miyembro ng DBCC.
Pangungunahan ang briefing nina Budget Secretary Amenah Pangandaman, Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan Jr., Finance Secretary Ralph Recto, at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang NEP ay sumasalamin sa mga pangunahing gastusin para sa programang Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Binigyang-diin ni Romualdez na bawat pisong ginagastos mula sa pambansang pondo ay dapat may katumbas na serbisyong mararamdaman ng taumbayan.











