--Ads--

CAUAYAN CITY- Idunulog ng grupo ng mga magsasaka sa western portion ng Gamu, Isabela ang umano’y karanasan nila sa pagbebenta ng palay sa National Food Authority o NFA Isabela Mabini Warehouse.

Ayon kay Punong Barangay Glimerson Laverinto ng Mabini Gamu Isabela, mismong mga kabarangay niya ang nakakakita sa aniya’y malaking volume ng mga nagtitinda ng palay sa naturang warehouse.

Dahil malapit ang warehouse sa mga kabahayan ay nakikita nila ang malalaking sasakyan gaya ng trailer na pumapasok doon at nagbababa ng palay na mula aniya sa Tabuk City, Kalinga, dahilan kung bakit nahuhuling makapagbenta ang maliliit na farmers.

Pagdating pa aniya ng ahente ay nagsasagawa sila ng re-bagging o pagpapalit ng sako sa gabi.

--Ads--

Samantala, ipinunto ni SB member Maricel Lycia Tadeo na may isang magsasaka ang nagparating sa kanila ng impormasyon kaugnay sa pagbibigay ng padulas sa NFA Gamu sangkot ang umano’y NFA Warehouse Supervisor at ahente para lamang matanggap ang ibinebenta nilang palay.

Ayon pa kay Gamu Mayor Xian Al Defensor Galanza na idinulog din sa kanila ng ilang mga magsasaka sa ginawa nilang hearing noon na may mga trader kasama ang ahente ang bumibili ng palay sa mas mababang presyo subalit ibebenta ng trader sa NFA, may trader din na bumibili ng RSBSA certificate sa ilang magsasaka para lamang makapagbenta sa bodega NFA.

Matatandaan na unang naglabas ng resolusyon para simulan ng Sanguniang Panlalawigan ng Isabela ang imbestigasyon sa iregularidad na kinasasangkutan ng NFA Isabela sa pamimili ng palay na pinangunahan ni SP member Joseph Panganiban ng ikatlong distrito ng Isabela.

Batay sa listahang isinumite ng NFA Isabela sa komite nakatala ang mga magsasakang nakapagbenta ng palay mula Enero hanggang July 2025.

Aniya kung matatandaan nagkaroon ng bagong panuntunan ang NFA nitong Hulyo kung saan nakasaad na isangdaang cavans lamang kada magsasaka ang bibilhin ng ahensya at kabilang dito ang asosasyon at farmer groups.

Sa unang pahina napansin agad ang ilang iregularidad sa lishatan kung saan nakalista ang isang indibiduwal mula sa Alfonso Lista Ifugao na paulit-ulit na nakapagbenta ng palay subalit hindi inilagay kung saang warehouse ito nagbenta.

Natuklasan rin na may magsasaka mula sa San Manuel, Isabela ang tatlong beses rin nakapagbenta ng higit 100 cavans ng palay habang ang ilan pang indibiduwal ang nakapagbenta ng higit 150 bags.

Samantala, nilinaw ni NFA Isabela Manager Maria Luisa Luluquisen na noong Hunyo bumisita si NFA Administrator Larry Lacson at nakita ang napakahabang listahan ng mga magsasaka na naka schedule pa sa NFA kaya ipinagutos nito ang immediate implementation ng bagong polisiya na epektibo noong June 20.

Aniya batay sa guidelines nila ang basehan nila sa listahan ay ang RSBA registred farmers anumang lawak ng sakahan na kanilang sinasaka.

Nagpaliwanag din siya sa alegasyon ng mga trailers na nagtutungo sa mga bodega ng NFA.

Ayon sa kaniya ito ay mga miller na kumukuha ng palay sa naturang mga bodega para sa private milling contracts dahil nitong dry season ay nagsimula na sila ng issuance para sa milling.

Hinikayat naman niya ang lahat ng mga magsasaka na nakaranas ng iregularidad na magsalita upang sa ganon ay magawan nila ng aksyon ang mga reklamo laban sa NFA Gamu at maiwasang madungisan at maapektuhan ng operasyon ng NFA Isabela.

Ipinaliwanag din ang DA na tanging mga marginalized farmers na may sinasakang dalawang ektarya pababa lamang ang binibigyan o nakikinabang sa programa ng DA partikular ang Rice Farmer Financial Assistance kung saan pinagkakalooban sila ng 7,000 pesos na cash assistance.

Kamakailan ay muling nagsagawa ng pagdinig ang Committee on Agriculture ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela kaugnay sa maanumalyang palay procurement sa National Food Authority o NFA Isabela.

Binigyang diin din ni Vice Governor Kiko Dy na ang layunin ng pagdinig ay upang masolusyonan ang matagal ng problema sa palay procurement ng NFA at hindi para manisi.

Tinitiyak niya na kasama siya hanggang sa matapos ang pagdinig upang masigurong maipaglaban ang kung anong nararapat para sa mga magsasaka gayundin na tinitiyak niya na tutulungan nila ang NFA Isabela para mahabol kung sino ang mga dapat na papanagutin.