Idinulog ng ilang magsasaka sa bahagi ng Gamu, Isabela ang umano’y iregularidad sa pagbebenta ng palay sa National Food Authority (NFA) Mabini Warehouse.
Ayon kay Punong Barangay Glimerson Laverinto ng Mabini, mismong mga kabarangay niya ang nakakapansin sa malaking volume ng palay na ibinabagsak sa bodega, kabilang ang mga trak na galing pa umano sa Tabuk City, Kalinga. Dahil dito, naaapektuhan aniya ang maliliit na magsasaka na nahuhuling makapagbenta ng kanilang ani.
Ibinulgar din ni Laverinto na may nangyayaring “re-bagging” o pagpapalit ng mga sako sa gabi sa nasabing warehouse.
Samantala, sinabi ni SB Member Maricel Lycia Tadeo na may mga ulat ng pagbibigay umano ng “padulas” para matanggap ang palay, sangkot dito ang NFA Warehouse Supervisor at ilang ahente.
Ipinunto naman ni Gamu Mayor Xian Al Defensor Galanza na sa kanilang isinagawang hearing, lumabas na may ilang trader at ahente na bumibili ng palay sa murang halaga upang ibenta sa mas mataas na presyo sa NFA. Mayroon ding mga insidente kung saan binibili ng ilang trader ang RSBSA certificate mula sa mga magsasaka para makapagbenta sa bodega ng NFA.
Matatandaan na una nang naglabas ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan ng Isabela para imbestigahan ang nasabing isyu, na pinangunahan ni SP Member Jose Panganiban.
Batay sa listahan ng NFA Isabela mula Enero hanggang Hulyo 2025, lumabas ang ilang iregularidad, kabilang ang isang indibiduwal mula Alfonso Lista, Ifugao na paulit-ulit na nakapagbenta ng palay nang hindi malinaw kung saang warehouse ito ibinenta.
May mga kaso rin kung saan lumampas sa itinakdang limitasyong 100 cavans kada magsasaka, gaya ng isang magsasaka mula San Manuel, Isabela na tatlong beses nakapagbenta ng higit 100 cavans, at ilang indibiduwal na umabot sa mahigit 150 bags.
Nilinaw naman ni NFA Isabela Manager Maria Luisa Luluquisen na mismong si NFA Administrator Larry Lacson ang nag-utos ng agarang pagpapatupad ng bagong polisiya noong June 20, matapos makita ang mahabang listahan ng mga magsasakang nakapila para makapagbenta ng palay. Batay aniya sa kanilang guidelines, ang basehan sa listahan ay ang mga rehistradong magsasaka sa RSBSA, anumang lawak ng kanilang sakahan.
Tugon din ni Luluquisen sa alegasyon ng mga malalaking trak na pumapasok sa warehouse, ito raw ay mga miller na kumukuha ng palay para sa pribadong milling contracts. Aniya, nagsimula na sila ng milling issuance ngayong dry season kaya may mga aktibidad sa gabi na nakikita sa paligid ng bodega.
Hinikayat niya ang lahat ng magsasaka na nakaranas ng iregularidad na magsalita at magsumite ng reklamo upang maaksyunan agad at hindi madungisan ang operasyon ng NFA Isabela.
Samantala, nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na tanging mga marginalized farmers na may sinasakang dalawang ektarya pababa lamang ang kwalipikado para sa Rice Farmer Financial Assistance, kung saan makatatanggap sila ng ₱7,000 cash aid.
Sa kabila ng mga paliwanag, muling nagsagawa ng pagdinig ang Committee on Agriculture ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela upang masuri ang mga reklamo laban sa NFA Isabela. Binigyang-diin ni Vice Governor Kiko Dy na ang layunin ng hearing ay hindi para manisi, kundi upang tuluyang maresolba ang matagal nang problema sa palay procurement at maprotektahan ang interes ng mga magsasaka.
Tiniyak din ng Bise Gobernador na mananatili siya hanggang sa matapos ang proseso upang masiguro na maipaglalaban ang nararapat para sa mga magsasaka, at sabay na tutulungan ang NFA Isabela para mahabol ang mga dapat managot sa isyu.











