Isang loro mula China na pinangalanang Xiaogui ang kinilala ng Guinness World Records dahil sa kanyang pambihirang talino matapos magtala ng bagong record bilang “fastest time to identify 10 colours by a parrot.”
Sa isinagawang record attempt sa Jiaozuo, Henan, China noong Nobyembre 2024, naitugma ni Xiaogui ang sampung makukulay na bola sa kani-kanilang tamang lalagyan sa loob lamang ng 33.50 segundo.
Ikinahanga ng marami ang kanyang husay, lalo na nang maipakita niya ang kakayahang itama ang sariling pagkakamali. Sa isang pagkakataon, nailagay niya ang dark pink na bola sa lalagyang para sa light pink, ngunit agad niya itong binawi at inilagay sa tamang kahon.
Ayon sa kanyang tagapag-alaga na si Qin Feng, kasama na niya si Xiaogui mula pa noong ito’y sisiw pa lamang. Dahil sa hilig ng loro sa makukulay na bagay, naisipan niyang sanayin ito sa pagkilala at pag-uuri ng iba’t ibang kulay.
Ang tagumpay ni Xiaogui ay nagdagdag sa listahan ng mga matatalinong ibon na may Guinness World Records, na patunay ng kahanga-hangang talino ng mga hayop.











