Ngayong Martes, Agosto 19, 2025, nagpatupad ang mga pangunahing kompanya ng langis sa bansa ng magkakahalong galaw ng presyo ng petrolyo.
Tumaas ng ₱0.60 kada litro ang presyo ng gasolina, samantalang bumaba ng ₱0.80 kada litro ang diesel at ₱0.90 kada litro ang kerosene.
Ayon sa Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), ang naging dahilan ng paggalaw ng presyo ay ang pagtaas ng suplay ng langis mula sa OPEC+, mas mahinang demand forecast mula sa International Energy Agency, at ang pagluwag ng tensyon sa kalakalan sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina.
Ipinaliwanag ng DOE na ipinatupad ng mga kompanyang gaya ng Petron, Shell, Caltex, Seaoil, Unioil, Total, PTT, at iba pa ang bagong presyo simula alas-sais ng umaga, maliban sa Cleanfuel na nagpatupad ng alas-otso y uno ng umaga.
Batay sa ulat, ang pagbabago sa presyo ay nakabatay din sa galaw ng pandaigdigang merkado, partikular na sa pagdami ng global inventories at pagbaba ng freight at market premiums.
Dahil dito, inaasahan na magkakaroon ng magkahalong epekto sa transportasyon at pamumuhay ng mga mamamayan na mas magiging magaan sa mga gumagamit ng diesel at kerosene, ngunit bahagyang mabigat para sa mga motorista na umaasa sa gasolina.











