--Ads--

CAUAYAN CITY- Pag-uusapan sa konseho ang idinadaing ng ilang mga mamamayan ng lungsod hinggil sa mga mayayamang senior citizen na nakakatanggap ng social pension.

Sa naging pagpapahayag ni Councilor Rufino Arcega, may nakarating aniya sa kanilang opisina tungkol sa reklamong may mga mahihirap na senior citizen ang walang social pension habang mayroong mayayaman na nakakatanggap.

Ang social pension ay bahagi ng programa ng pamahalaan na naglalayong mabigyan ng tulong ang mga senior citizen na walang regular na pinagkukuhanan ng pera at hindi tumatanggap ng pension mula sa government sources.

Ngunit ayon sa mga hinaing ng mga senior citizen at maging ang opisina ng Office of the Senior Citizens Affairs hindi lahat ng mga matatanda ay nakakatanggap ng social pension.

--Ads--

Bagay na ipinagtataka ng ilang mga lehislador sa lungsod dahil sa nakakarating sa kanilang reklamo na may mga mayayaman na nakakatanggap nito.

Kaya naman, binuksan na ang usapin at nakatakdang pag usapan ngayong Linggong ito kung bakit may mga reklamong tulad nito na nakakarating sa kanilan opisina

Giit ni Councilor Arcega, isa lamang ito sa mga hinaing ng mga matatanda sa lungsod at aasahan pa nilang madaragdagan sakaling magkakaharap na sa komite.