CAUAYAN CITY- Sugatan ang pahinante ng isang refrigerated van matapos na mawalan ng kontrol ang sasakyan at araruhin ang nakaparadang truck at motorsiklo sa isang kainan sa Barangay Quirino, Cordon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpl. Jonathan Cagayan ang Investigator on case, ng Cordon Police Station, sinabi niya na naitala ang aksidente pasado alas dos ng hapon sa Barangay Quirino.
Aniya sangkot ang isang refrigerated van na minamaneho ni Rosendo Padua na residente ng Canan Cabatuan, Isabela, isang elf na may kargang pakwan ay minamaneho naman ni Romel Baninit at single motorcycle na pag mamay-ari ni John Gil Salvo.
Batay sa imbestigasyon ang refrigerated van ay patungo ng Diadi, Nueva Vizcaya subalit pagdating sa lugar ay biglang pumutok ang kanang gulong nito dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela ang driver.
Nagpagewang-gewang ito sa kalsada bago bumangga sa dalawang sasakyan na kasalukuyang nakaparada sa outerlane partikular sa harapan ng isang kainan bago sumalpok sa poste ng kuryente.
Sa lakas ng impact ay naitulak ang elf sa gitna ng kalsada at nagkalat ang mga karga nitong pakwan.
Napag-alaman na ang sasakyan ay nag-angkat ng pakwan sa Cauayan City at nakatakda sanang bumiyahe sa Pampanga.
Ayon sa driver ng refrigerated van hindi na niya sinuri ang hangin ng gulong ng sasakyan lalo at hindi naman ito kalumaan.
Mabilis naman na tumugon ang Iselco para kumpunihin ang poste ng kuryente gayung walang niatalang power interruption matapos ang aksidente.











