Inihayag ng Isabela Senior Citizen Association na mas mainam kung pagkalooban ng Social Pension ang lahat ng mga Senior Citizens sa bansa sa halip na iilan lamang.
Ito ay matapos ang kabi-kabilaang reklamo ng ilang mga senior citizens na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakatanggap ng buwanang pension.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ruben Tumbaga, Provincial Consultant For Senior Citizens ng Isabela, sinabi niya na mas mainam ang ganoong sistema kaysa sa expanded centenarian act na iilan lang naman ang nabebenepisyuhan.
Mas mapapadali pa aniya ang trabaho ng pamahalaan dahil hindi na kinakailangan ng mahabang validation dahil lahat na ng 60-anyos pataas ay makakatanggap na ng pensiyon upang maging patas ang gobyerno sa pagbibigay ng benepisyo.
Hindi niya aniya nila ang masisisi kung marami ang nagrereklamo dahil maging siya ay aminado na hindi patas ang batas para sa mga senior citizen.
Nanawagan din siya sa mga mambabatas na bago sila maghain at mag-apruba ng batas ay kinakailangan muna nilang hingiin ang input ng mga stakeholders na nakikita talaga ang sitwasyon ng mga senior citizen sa bansa.











