Isang bagong silang na sanggol ang natagpuan kaninang tanghali sa isang dumpsite malapit sa irigasyon sa Barangay Dangan, Reina Mercedes, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rodrigo Perez, isa sa mga unang rumespondeo nakakita sa sanggol, sinabi niya na bandang alas-12:00 ng tanghali nang may mag-ulat sa kanya tungkol sa natagpuang sanggol. Agad siyang nagtungo sa lugar at tumambad sa kanya ang isang sanggol na natatakpan lamang ng karton sa gilid ng dumpsite, halos 2–3 metro ang layo mula sa irigasyon.
Ayon kay Perez, kapapanganak lamang ng sanggol dahil hindi pa natatanggal ang umbilical cord nito at nakabalot lamang sa lampin. Dahil dito, pinaniniwalaang iniwan ang sanggol ilang oras matapos isilang.
Matapos madiskubre, agad nilang kinarga ang sanggol at dinala sa bahay ng kanilang punong barangay bago ito itinurn over sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO). Pagkaraan, dinala ang sanggol sa Rural Health Unit upang masuri at mabigyan ng kaukulang atensyong medikal. Sa ngayon, nasa ligtas na kondisyon ang sanggol at patuloy na mino-monitor ng mga otoridad.
Ayon kay Perez, malinaw na sinadya ang pag-abandona dahil sa lokasyon ng pinangyarihan, malayo ito sa kabahayan at dumpsite pa ang piniling pag-iwanan.
Samantala, sinabi naman ni Punong Barangay Henry Respicio na ito ang kauna-unahang pagkakataon na may ganitong insidente sa kanilang lugar.
Ipinaliwanag niya na kung sakaling taga-barangay ang nag-iwan sa sanggol, madali itong matutukoy dahil may database sila ng mga buntis na residente.
Subalit, kung hindi residente ang responsable, mas magiging mahirap ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng nag-abandona.
Laking pasasalamat naman nila dahil buhay ang sanggol at nasa mabuti na itong kalagayan.











