--Ads--

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa natagpuang bagong silang na sanggol sa isang dumpsite malapit sa irigasyon sa Barangay Dangan, Reina Mercedes, Isabela.

Ayon sa ulat ng Reina Mercedes Police Station, isang concerned citizen ang nag-ulat kahapon ng tanghali hinggil sa sanggol na natatakpan lamang ng karton at iniwan sa gilid ng dumpsite, halos tatlong metro mula sa irigasyon.

Agad rumesponde ang mga barangay opisyal at kinarga ang sanggol bago itinurn over sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at dinala sa Rural Health Unit para sa agarang atensyong medikal.

Ayon kay Police Major Charles Cariño, hepe ng Reina Mercedes Police Station, pinaghihinalaang sinadya ang pag-abandona dahil malayo ang lugar sa kabahayan at sadyang dumpsite ang piniling pag-iwanan.

--Ads--

Dagdag pa ng pulisya, kabilang sa kanilang tinitingnang anggulo ang posibilidad na hindi residente ng Barangay Dangan ang nag-iwan sa sanggol upang mahirapan ang mga awtoridad na matukoy ang pagkakakilanlan nito.

Gayunpaman, sinabi ng Punong Barangay Henry Respicio na may database sila ng mga buntis na residente, kaya’t kung taga-barangay ang may kagagawan, madali itong matutukoy.

Ayon kay PMaj. Cariño, ito ang unang pagkakataon na may ganitong insidente na naitala sa kanilang nasasakupan sa kanyang pagkakadestino sa naturang lugar.

Patuloy naman ang kanilang isinasagawang pagsisiyasat tulad na lamang ng backtracking ng mga CCTVs malapit sa lugar o sa mga posibleng dinaanan ng nag-abandona sa sanggol.

Posibleng maharap ang responsable sa kasong child abuse sa ilalim ng Republic Act 7610, at maaari ring tignan ng pulisya ang paglabag sa Revised Penal Code kaugnay ng infanticide o attempted parricide, depende sa magiging resulta ng imbestigasyon.

Samantala, tiniyak ng MSWDO na nasa kanilang pangangalaga ang sanggol at posibleng ilipat sa child care facility ng DSWD kung walang kamag-anak na mag-aako ng responsibilidad.

Laking pasasalamat naman nila dahil buhay ang sanggol at nasa mabuti na itong kalagayan.

Umaasa naman silang matutukoy ang pagkakakilanlan ng ina ng sanggol upang mapanagot ito sa batas.