Patuloy na pinapaigting ng PNP Cauayan City ang kanilang pagmamatyag laban sa mga loose firearms at mga baril na paso na ang rehistro sa lungsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Felix Mendoza, Deputy Chief of Police ng Cauayan City Police Station sinabi niya layon nito na matiyak ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko, at maiwasan ang paggamit ng mga hindi lisensyadong armas sa kriminalidad.
Sa pamamagitan ng Oplan Bakal ay nahuli ng mga kasapi ng Cauayan City PNP ang isang negosyante sa isang beerhouse sa Brgy. San Fermin dahil sa pag-iingat ng hindi lisensyadong baril.
Ang suspek na residente ng San Manuel Isabela ang mayroon namang license to own and possess firearms ngunit walang kaukulang dokumento ang kanyang baril.
Inamin naman mismo ng suspek sa mga operatiba na mayroon siyang dalang 9mm pistol.
Ayon kay PMaj. Mendoza, tuwing gabi ay nag-iikot ang kanilang mga kasapi sa mga establisimentong nag-ooperate ng gabi tulad ng mga inuman, bar at iba pa.
Tinitingnan dito kung may mga dalang baril at iba pang deadly weapon ang mga nagtutungo sa nasabing mga lugar.
Sa pamamagitan naman ng programang Oplan Katok, personal na kinakatok ng mga pulis ang mga tahanan ng mga may-ari ng baril upang paalalahanan silang i-renew ang kanilang lisensya o pansamantalang ipasa ang kanilang armas para sa ligtas na imbakan.
Kasama rin dito ang pagpapatupad ng regular na checkpoint at inspeksyon sa mga komunidad.
Binigyang-diin ni PMaj. Mendoza na mahalagang tiyakin na ang lahat ng armas ay may kaukulang permit upang hindi magamit sa karahasan at mapanatili ang kaayusan sa komunidad.
Nanawagan din siya sa mga may-ari ng baril na agad ayusin ang kanilang mga papeles upang maiwasan ang pagkakakumpiska at posibleng kaso.











