--Ads--

Tiniyak ng pamunuan ng Reina Mercedes Police Station na kanilang paiigtingin ang pagbabantay sa kanilang nasasakupan upang maiwasan ang pagdami ng mga kaso ng bullying, lalo na sa mga paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Charles Cariño, hepe ng Reina Mercedes Police Station, sinabi niyang hindi magpapakampante ang kanilang himpilan dahil mas madalas na nagiging biktima ng bullying ang mga mag-aaral sa sekondarya.

Sa kasalukuyan, wala pa namang naitatalang malalang kaso ng bullying sa nasabing bayan.

Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng pagpupulong ang lokal na pamahalaan katuwang ang pulisya at mga guro mula sa iba’t ibang paaralan sa Reina Mercedes.

--Ads--

Pinag-usapan sa pulong ang mga security measures sa paligid ng mga paaralan, gayundin ang tungkulin ng pulisya sa pagtitiyak ng kaligtasan ng mga estudyante sa oras ng kanilang pag-uwi.

Bunga nito, mas pinaigting ng pulisya ang kanilang pagbabantay at magsasagawa rin sila ng symposium upang magbigay kaalaman sa mga estudyante kung paano matutukoy at maipapaabot kung sila ay nabibiktima ng bullying.

Magsasagawa rin sila ng pagbisita at inspeksyon sa mga paaralan upang matiyak na walang estudyanteng nagdadala ng mga deadly weapon na maaaring magamit sa bullying o iba pang krimen.