Naitala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagdami ng presensya ng mga barkong Tsino sa paligid ng Ayungin Shoal noong Agosto 20, ayon sa kanilang Maritime Domain Awareness monitoring.
Sa ulat ng AFP, namataan ang ilang barko ng China Coast Guard (CCG) na nagsagawa ng mga maniobra at gumamit ng water cannon bilang bahagi ng kanilang drill.
Kabilang sa mga nakita ang maliliit na sasakyang pandagat tulad ng rigid-hulled inflatable boats (RHIBs) at fast boats, kung saan ilan sa mga fast boat ng CCG ay armado ng mabibigat na sandata. Sa kabuuan, naitala ang presensya ng limang barko ng CCG, 11 RHIBs/fast boats, at siyam na yunit ng Chinese maritime militia vessels.
Bukod dito, na-monitor din ang paggamit ng isang rotary aircraft at isang unmanned aerial vehicle (UAV) sa lugar.
Tiniyak ng AFP na magpapatuloy ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa West Philippine Sea upang ipagtanggol ang pambansang soberanya at tiyakin ang kaligtasan ng mga sundalong Pilipino na naka-deploy doon.











