--Ads--

Ikinokonsidera ng Department of Agriculture (DA) na palawigin pa ang import ban sa bigas.

Kasunod na rin ito ng 60 araw na suspensyon ng pag-aangkat ng bigas na magsisimula na Setyembre 1 ngayong taon na layong maprotektahan ang mga magsasaka sa mababang presyo ng palay.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., pinag-aaralan nilang dagdagan ng isang buwan para gawing 90 days ang import ban.

Paliwanag ng kalihim, ang kanilang plano ay para makarekober talaga ang sektor ng agrikultura at mga magsasaka kasunod ng mga nagdaang kalamidad na tumama sa bansa.

--Ads--

Tiniyak naman ni Laurel na nakatutok ang DA sa sitwasyon at tutulungan ang mga magsasakang naapektuhan ng mga bagyo maging ng low pressure area (LPA).

Una nang sinabi ng DA na nasa ₱3 billion ang iniwang danyos sa agrikultura ng mga Bagyong Crising, Dante at Emong noong buwan ng Hulyo.