Sasabak ang Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ng Barangay Cabaruan bilang kinatawan ng Cauayan City sa gaganaping Disaster Response and Rescue Mission.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Captain Edgar Telan, sinabi nito na layunin ng pagsali ng kanilang BPAT na ipakita ang kahandaan at mga inisyatibo ng barangay sa pagtugon sa mga emergency at sakuna. Aniya, mahalagang maipakita na handa ang kanilang komunidad sa anumang uri ng kalamidad, lalo na’t bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino ang pagbaha, sunog, lindol at iba pang sakuna.
Highlight ng aktibidad ang iba’t ibang rescue operations gaya ng water search and rescue, basic first aid, at mabilis na pagtugon sa aksidente at iba pang insidente sa mga hindi inaasahang pagkakataon. Magkakaroon din ng simulation exercises upang masubukan ang koordinasyon ng mga barangay tanod, opisyal ng barangay, at mga miyembro ng BPAT.
Makakasama ng Barangay Cabaruan BPAT sa aktibidad ang Bureau of Fire Protection (BFP) at ang Philippine National Police (PNP) para sa mas malawak na pagtutulungan at mas epektibong operasyon.
Dagdag pa ni Kapitan Telan, malaking tulong ang pagsabak ng kanilang barangay sa ganitong mga aktibidad dahil hindi lamang ito nakakapagpahusay ng kanilang kaalaman at kakayahan, kundi nagbubukas din ng mas malaking tiwala mula sa kanilang mga nasasakupan.











