Natagpuan na nitong umaga ng Sabado, ika-23 ng Agosto ang katawan ng dalagitang napaulat na pinaghahanap matapos mahulog ang sinakyang tricycle sa irrigation canal na bahagi ng Maligaya, Echague, Isabela.
Matatandaan na nitong Biyernes, ika-22 ng Agosto ay nahulog ang isang tricycle sa irigasyon na kinalululanan ng tatlong estudyante at ang driver nito na pawang mga residente ng Barangay Libertad at Arabiat, Echague, Isabela.
Nakaligtas ang dalawang estudyante at ang driver habang inabot ng magdamag bago nahanap ang 17-anyos na pasahero.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Faustino “Inno” Dy V ng Echague, Isabela, sinabi niya na ang katawan ng dalagita ay natagpuan sa malalim na bahagi ng irigasyon kung saan mismo nahulog ang tricycle.
Nitong umaga ay bahagya nang humupa ang tubig sa irigasyon na nakatulong upang mas mapabilis ang paghahanap sa biktima.
Ang ilan sa mga nakaligtas ay nagtamo ng minor injuries sa katawan kung saan isa sa mga ito ay nagtamo umano ng sugat sa ulo.
Dahil dito ay plano ng pamahalaang lokal ng Echague na maglagay ng harang sa irigasyon maging ang paglalagay ng mas maraming ilaw sa kalsada upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Mahigpit ding ipagbabawal sa mga menor de edad na magmaneho ng anumang uri ng sasakyan.











