Umabot na sa mahigit 300 katao ang naghain ng aplikasyon sa International Criminal Court (ICC) upang kilalaning biktima ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bahagi ito ng preparasyon bago ang nakatakdang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23.
Ayon sa ICC Registry, bagama’t maliit pa ang bilang na ito kumpara sa dami ng gustong lumahok, malinaw raw na uhaw sa hustisya ang mga pamilya ng mga nasawi.
Nagpakalat ng application form sa Tagalog, Cebuano, English at French ang Victims Participation and Reparations Section (VPRS), at muling nakipag-ugnayan sa mga grupong dati nang sumuporta sa mga biktima.
Sinuri rin ang mga isinumiteng dokumento gaya ng barangay at voter’s ID, pati mga sinumpaang salaysay, upang tiyakin ang pagkakakilanlan ng mga aplikante.
Nasa kamay na ngayon ng ICC kung kikilalanin ang lahat ng aplikasyon bilang opisyal na bahagi ng kaso laban kay Duterte, na nahaharap sa kasong crime against humanity at kasalukuyang nakakulong sa The Hague, Netherlands.











