Pinagsabihan ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro si Atty. Harry Roque na huwag makisawsaw sa isyu ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng pagiging “complete failure” nito sa Department of Education (DepEd).
Kasunod ito ng pagkuwestiyon ni Roque kay Castro kung kuwalipikado ba itong manghusga sa performance ni VP Sara noong ito ang kalihim ng DepEd.
Ayon kay Castro, sa halip na sumawsaw sa isyu, mas mabuting unahin muna ni Roque na ayusin ang kanyang problema kaysa problema ng iba.
Harapin muna aniya ni Roque ang mga kaso nito sa Pilipinas sa halip na ipagtanggol ang iba.
Sinabi ni Castro na tila ipinagsisiksikan pa rin ni Roque ang sarili sa Netherlands gayong ayaw sa kanya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte pati ng abogado nito na si Nicholas Kaufman.
Sinabi ni Castro na inilalayo na ng mga Duterte ang sarili kay Roque pero pilit pa rin aniya itong pumapasok tulad na lamang ng pakikisawsaw niya sa isyu ng pagiging bigo umano ni VP Sara nang pamunuan ang DepEd.
May batayan aniya ang lahat ng kanyang sinabi at ito ay hindi haka-haka tulad ng ginagawa ng Bise Presidente na gumagawa ng kuwento laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.











