Magbubukas ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ng isang spillway gate sa Magat Dam bukas, Agosto 24, 2025, alas-7 ng umaga, kasunod ng patuloy na pagtaas ng tubig dala ng Tropical Storm “Isang.”
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edwin Viernes, Flood Forecasting Implementation Head ng NIA-MARIIS, layunin ng pagbubukas ng gate na maiwasan ang pagkasira ng dam.
Kaninang alas-3 ng madaling araw ay umabot sa 1600 cms ang inflow ng tubig mula sa Magat Watershed dahil na rin sa malakas na pag-ulang naranasan.
Ayon sa pinakahuling monitoring ng NIA-MARIIS, ang antas ng tubig sa Magat Reservoir ay nasa 188.66 (masl), na mas mataas sa rule curve na 181.51 masl ngunit mas mababa pa sa normal high water level na 190.00 masl.
Ang kasalukuyang inflow mula sa watershed ay 543.89 cubic meters per second (cms), habang ang kabuuang outflow ay 206.50 cms. Kasama rito ang 388 MW Magat Hydropower Plant discharge na 190.00 cms, kaya ang kabuuang tubig na dumadaloy sa Ilog Magat ay nasa 120.25 cms.
Wala pa namang spillway gate ang kasalukuyang nakabukas kaya nananatiling ligtas ang reservoir sa kasalukuyang antas.
Samantala, ang Maris Dam ay may elevation na 103.90 masl, na maayos din ang kalagayan sa kasalukuyan.
Ipinaliwanag pa niya na patuloy nilang minomonitor ang antas ng tubig at lakas ng agos mula sa watershed areas, at nakikipag-ugnayan rin sila sa lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng mga komunidad na maaring maapektuhan.
Pinayuhan rin niya ang mga residente na huwag munang lumapit, magtungo o maligo sa ilog Magat habang aktibo ang water release bukas upang maiwasan ang aksidente.











