--Ads--

Nagpatawag ng emergency meeting si Santiago City Mayor Alyssa Sheena Tan-Dy kahapon, Agosto 23, 2025, kasama ang mga city councilors, punong barangay, DPWH at iba pang ahensya upang talakayin ang biglaang pagbaha sa public market sa Poblacion area, isang lugar na dati ay hindi naman binabaha.

Sa pulong, lumitaw na pangunahing sanhi ng pagbaha ang mga kanal at drainage inlet na natakpan ng basura, ngunit binigyang-diin din ng ilang barangay officials na mas lumala ang sitwasyon mula nang maitayo ang mga drainage projects ng DPWH.

May mga kalsada at lugar na dati’y hindi binabaha ngunit ngayo’y apektado dahil hindi dumadaan nang maayos ang tubig sa bagong drainage canals.

Bukod sa pagbaha, iniulat din ang pagkasira ng mga water pipelines bunsod ng mga ginawang konstruksyon ng DPWH. Dahil dito, inatasan ni Mayor Tan ang DPWH na isumite ang listahan ng mga specific projects na nagdudulot ng problema upang agad na matugunan at masuri kung alin ang may depekto sa disenyo o lokasyon.

--Ads--

Giit ng alkalde, kailangang maresolba kaagad ang suliraning dulot ng mga drainage projects dahil sa matinding epekto nito sa mga residente at kabuhayan ng lungsod.