CAUAYAN CITY- Magiging kinatawan ng bayan ng Aurora, Isabela si Gian Carlo Acio sa prestihiyosong Mr. Teen Philippines 2025.
Si Gian ay isang Grade 11 student mula sa La Salette-Aurora, at kasalukuyang puspusan ang kanyang paghahanda para sa national pageant.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ibinahagi ni Gian ang kanyang mga aktibidad bilang paghahanda kabilang na ang pagsasanay sa kanyang pasarela o signature walk, pati na rin sa Q&A portion na susubok sa kanyang talino at paninindigan.
Lubos ang kanyang pasasalamat sa suporta ng kanyang paaralan at sa mga taong patuloy na naniniwala sa kanyang kakayahan.
Ayon sa kanya, naging daan sa kanyang paglahok sa Mr. Teen PH ang kanyang handler na unang nakakita ng kanyang potensyal sa larangan ng pageantry.
Isa sa mga pinakamalaking hamon para kay Gian ay ang pagbabalanse ng oras sa pagitan ng pag-aaral at pagsasanay. Aminado siyang dumaan siya sa mga sandaling kinwestyon niya ang sarili, ngunit nanaig ang kanyang determinasyon.
Bata pa lamang si Gian ay nakaranas na siya ng pambubully dahil sa kanyang pangangatawan. Hindi niya inakala na balang araw ay makakatungtong siya sa entablado ng isang pambansang kompetisyon.
Sa halip na panghinaan ng loob, ginamit niya ang karanasang ito bilang inspirasyon upang subukan ang kanyang kapalaran sa pageantry.
Gamit ang kanyang paglahok sa Mr. Teen Philippines 2025, layunin ni Gian na maipalaganap ang kultura ng Aurora at ng buong lalawigan ng Isabela. Isinusulong din niya ang kanyang adbokasiya para sa kabataan—na huwag matakot mangarap at magsikap upang makamit ito.





