Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang komemorasyon ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Isang Diwa, Isang Lahi, Isang Bayanihan.”
Ginugunita ang National Heroes Day tuwing huling Lunes ng Agosto para alalahanin ang sakripisyo ng mga nagtaguyod ng kalayaan at demokrasya ng Pilipinas.
Ang Pangulo ang karaniwang nangunguna sa mga seremonya, tulad ng pag-aalay ng bulaklak sa Libingan ng mga Bayani kung saan nakahimlay ang maraming bayani at sundalo ng bansa.
Bukod kay Pangulong Marcos, dadalo rin sina Defense Chief Gilberto Teodoro at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Romeo Brawner Jr.
Sa mga nakaraang mensahe, bukod sa mga bayaning nakipaglaban para sa demokrasya, kinilala rin ni Pangulong Marcos ang kontribusyon ng mga magsasaka, guro, health workers at manggagawa na nagpapaunlad at nagpapatatag ng bansa.











