--Ads--

Sa pagunita sa kabayanihan ng mga kababayang nag-alay ng buhay para sa inang bayan, isa sa mga kwentong hindi malilimutan ay ang kabayanihan ni Patrolman Henry Gayaman.

Noong Oktubre 2019, muling tumambad sa bayan ng San Guillermo, Isabela ang anino ng armadong tunggalian sa pagitan ng pamahalaan at ng rebeldeng kilusan. Sa mga barangay ng Burgos at San Mariano Norte, naganap ang isang madugong engkwentro na ikinasawi ng isang alagad ng batas at ikinasugat ng tatlong iba pa.

Isang araw matapos ang sagupaan ay inako ng Benito Tesorio Command ng New People’s Army (NPA) ang responsibilidad sa naturang opensiba isang taktikal na hakbang umano laban sa Oplan Kapanatagan ng administrasyong Duterte.

Ayon sa kanilang pahayag, layunin ng opensiba na ilantad ang umano’y mapanupil na kontra-insurhensiyang kampanya ng pamahalaan.

--Ads--

Dalawang yunit ng NPA ang sangkot sa operasyon. Ang isa, ang utak sa pananambang sa tropa ng 205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion, kung saan nasawi si Patrolman Henry Tummap Gayaman habang nasugatan naman sina Police Corporal Eddieboy Tumaliuan Vinasoy, Patrolman Stephen Widay Olosan, at Patrolman Alfred Pondemira Taliano.

Ang ikalawang yunit ay nagpasabog ng command-detonated explosive laban sa tropa ng 86th Infantry Battalion ng Philippine Army isang taktika na matagal nang ginagamit sa mga makakaliwang pangkat sa kabundukan ng Hilagang Luzon.

Sa pananaw ng rebeldeng grupo, ang naturang opensiba ay tagumpay at pagpapahayag ng kanilang paninindigan laban sa militarisasyon sa kanayunan. Sa kabilang banda, para sa pamahalaan, ito ay patunay ng patuloy na banta sa seguridad ng rehiyon.

Ang sagupaan sa San Guillermo ay isa lamang sa mga serye ng armadong engkwentro na humubog sa kasaysayan ng Cagayan Valley, isang rehiyong matagal nang naging larangan ng ideolohikal na tunggalian, mula pa noong dekada ’70.