--Ads--

Nagdagdag ng isang metrong opening sa tatlong spillway gate ang NIA-MARIIS para sa kanilang isinasagawang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam.

Inihayag ni Engr. Edwin Viernes, Flood Forecasting and Instrumentation Section Head ng NIA-MARIIS, na layunin nito na mapababa sa 185 meters above sea level ang antas ng tubig sa dam bilang paghahanda sa mga inaasahang pag-ulan sa mga susunod na araw.

Ang antas ng tubig sa dam ay nasa 188 meters above sea level na may average inflow na 489 cubic meters per second at total outflow na 573.54 cubic meters per second.

Nilinaw naman niya na, bagama’t may inaasahang mga pag-ulan, hanggang tatlong metro lamang ang kanilang bubuksan sa gate. Kapag naabot na ang 185 meters above sea level, ay unti-unti na nilang babawasan ang gate opening.

--Ads--

Pangunahing nakapagtatala ng pag-ulan ngayon sa watershed area sa bahagi ng Ifugao, na kasalukuyang may yellow rainfall warning.

Nilinaw rin niya na hindi gaanong ramdam sa downstream ang pinakakawalan nilang tubig. Gayunpaman, patuloy pa rin ang paalala sa mga residente sa mga lugar na nasasakupan ng Ilog Magat na maging maingat. Hanggat maaari, umiwas at huwag manatili malapit sa ilog.