--Ads--

May person of interest na ang San Mateo Police Station kaugnay ng naganap na pagnanakaw sa mag-asawang negosyante sa Barangay 3, San Mateo, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Maj. Ericson Aniag, hepe ng San Mateo Police Station, sinabi niya na ang mga biktima ay mag-asawang residente ng San Sebastian, Jones, Isabela.

Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente sa isang karinderya sa Barangay 3, San Mateo, kung saan ang mag-asawa na distributor ng saging sa bayan ng Aurora, ay kakain sana nang biglang hablutin ng suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng pera, ATM cards, at cellphone.

Batay sa salaysay ng biktima, nakilala ng kanyang mister ang suspek dahil suki umano ito na kumukuha sa kanila ng saging sa Aurora. Dagdag pa rito, napag-alaman ng PNP na nag-order din umano ng saging ang suspek, ngunit nang i-deliver ito ay wala siya sa lugar kaya napilitan ang mag-asawa na ibenta ito sa iba.

--Ads--

Habang pauwi na sana sila sa Jones, napagpasyahan nilang tumigil muna sa karinderya. Doon nila napansin ang suspek na nakadikit sa kanila bago nito hablutin ang bag.

Agad na naglunsad ng hot pursuit operation ang PNP, ngunit nakatakas ang suspek dahil sa mabilis nitong pagpapatakbo ng sasakyan. Gayunman, natukoy ng pulisya ang direksyong tinungo nito.

Sa tulong ng mga CCTV footage, nakipag-ugnayan ang San Mateo Police sa Aurora Police Station. Bitbit ang nasabing footage, nakumpirma ang pagkakakilanlan ng suspek na residente ng Santa Rita, Aurora, Isabela.

Batay sa talaan ng barangay officials, wala umanong naitalang kaso ang suspek sa kanilang lugar.

Ngayong araw, nakatakdang magsampa ng kaso laban sa suspek ang mga awtoridad sa pamamagitan ng regular filing.