--Ads--

Tinanggal sa puwesto si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III matapos lamang ang halos tatlong buwan mula nang pamunuan niya ang pambansang pulisya.

Batay sa isang kautusan mula Malacañang na may petsang Agosto 25, 2025 ngunit ngayong Martes lamang isinapubliko na nilagdaan ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa utos ng Pangulo.

Agad na ipinatutupad ang naturang kautusan.

Ayon sa nakasaad order, para sa tuloy-tuloy at mahusay na paghahatid ng serbisyo publiko sa PNP inatasan si General Nicolas Torre III na tiyakin ang maayos na turnover ng lahat ng usapin kabilang ang mga dokumento at impormasyon na may kaugnayan sa tanggapan.

--Ads--

Si Police General Nicolas Torre III ang kauna-unahang hepe ng Philippine National Police na mula sa PNP Academy.

Bago siya italaga bilang PNP chief nagsilbi siya bilang director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), naging police chief din ng Davao Region, at Quezon City Police District director.

Bago ang kanyang pagkakaalis sa puwesto nagkaroon ng umano’y hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng PNP at ng kanyang administrative boss, ang National Police Commission (Napolcom).

Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary at Napolcom chairperson Juanito Victor “Jonvic” Remulla na tinanggihan niya ang ilan sa mga inaprubahang reassignment na ipinatupad ni Torre.

Samantala, inanunsyo ni Remulla na pinalitan ni Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. si Torre bilang bagong PNP chief.