Nilinaw ng Hepe ng San Mateo Police Station na hindi holdup kundi pagnanakaw o theft incident ang naitalang pagtangay sa pera ng mag-asawang negosyante sa Barangay 3, San Mateo, Isabela.
Matatandaan na nitong Lunes, ika-25 ng Agosto ay tinangay ng isang lalaki ang bag ng mga biktima na naglalaman ng 12,000 pesos, ATM Card at ilang mahahalagang dokumento habang sila ay kumakain sa isang karinderia sa naturang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ericson Aniag, Chief of Police ng San Mateo Police Station, pinabulaanan din nito ang pahayag na hinampas ng baril ang ulo ng biktima, taliwas sa pahayag ng ilang mga nakasaksi sa pangyayari.
Nang nakapanayam aniya nila ang biktima bilang bahagi ng kanilang pagsisiyasat ay wala umano itong nabanggit na ganoon.
Sa ngayon ay mayroon nang person of interest ang mga kapulisan batay na rin sa salaysay ng biktima.
Dahil sa distributor ng saging ang mga ito, hinala nila na ang pinaghihinalaan ay ang suki nilang pinagbebentahan ng saging dahil nag-order ito ng saging sa kanila subalit hindi ito sumipot kahapon kaya nagbenta na lamang ang mga ito sa iba.
Nakumpirma naman ang pagkakakilanlan ng suspek sa tulong ng CCTV Footage at napag-alaman na siya ay residente ng Santa Rita, Aurora, Isabela.
Ayon kay PMaj. Aniag, magdaragdag sila ng panibagong outpost malapit sa pinangyarihan ng insidente upang mapaigting ang police visibility lalo na at matao ang naturang lugar.











