--Ads--

Dismayado ang ilang mga residente ng Amobocan, Cauayan City dahil sa umano’y hindi maayos na pagkakagawa ng flood control sa kanilang barangay.

Ang konstruksyon ng naturang proyekto ay sinimulan umano noong 2021 subalit ilang taon pa lamang ang nakalilipas ay bitak-bitak na ang ilang parte nito.

Ang ilang mga sira sa flood control ay naitala matapos tumaas ang antas ng tubig sa ilog.

Suspetiya ng ilang opisyal ng barangay na 3 metro lamang ang lalim ng sheet piles na ibinaon dito.

--Ads--

Sa pagtungo ng Bombo News Team sa lugar, mapapansin na manipis ang semento sa unang layer ng flood control at hindi rin malalaki ang ginamit na round bar.

Sa ilalim nito ay bakbak na at wala nang lupa na humahawak sa ibabang parte nito.

Dahil dito ay pinangangambahan ng mga residente na maaring bumigay ang flood control kung sakaling maabot ito ng tubig.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Eduard Duad ng barangay Amobocan, sinabi niya na mas mainam kung mabigyan ng karapatan ang mga opisyales ng barangay na bantayan ang mga proyekto na ginagawa sa kanilang barangay upang matiyak ang maayos na kalidad nito.

Ayon sa Sumbong sa Pangulo Website, dalawang construction firm ang gumawa sa flood control sa naturang barangay – ito ay JWU Construction and Supply na nakakuha ng pondong 29,396,371.76 at Ma Tesoro Construction na may pondong mahigit 70 million pesos.

Bukas naman ang himpilan ng Bombo Radyo Cauayan para sa nabanggit na mga construction firms upang ipahayag ang kanilang panig.