--Ads--

CAUAYAN CITY- Patuloy ang pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam bunsod ng bahagyang pagtaas ng water level dulot ng mga pag-ulan sa Magat Watershed.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi niyang umabot na sa 187.12 meters above sea level ang water elevation matapos buksan ang karagdagang gate.

Bahagyang bumaba ang inflow sa 377 cubic meters per second, habang ang spillway discharge ay nasa 537 cubic meters per second.

Nanatiling bukas ang dalawang spillway gate—isa ay may 2-meter opening, habang ang isa ay 1 meter.

--Ads--

Samantala, ilang bahagi ng Ifugao ang nakararanas ng malakas na ulan, kabilang ang Ibulao na may naitalang 34mm rainfall at Mayoyao na may 12.4mm.

Patuloy ang information dissemination ng NIA-MARIIS sa mga LGU at publiko kaugnay sa status ng dam. Nananatiling minimal ang epekto ng water release sa Ilog Magat, at hindi ito mararamdaman sa Ilog Cagayan.