--Ads--

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkakaroon ng lifestyle check sa lahat ng mga opisyal sa gitna ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects ayon kay kay Palace Press Officer Claire Castro sa isang media briefing.

Ayon kay Castro saklaw ng nasabing lifestyle check ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na magsisimula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan ang ahensiyang direktang humahawak sa mga nasabing proyekto.

Dagdag pa niya, iniutos din ng Pangulo ang tuluy-tuloy na pagsusuri ng mga rekord ng DPWH.

Layon ng imbestigasyon ng pamahalaan na tukuyin ang mga nasa likod ng mga proyektong dapat sana ay nakatulong sa paglutas ng malawakang pagbaha sa bansa ngunit naging kuwestiyonable dahil sa posibleng maling paggamit ng pondo ng bayan.

--Ads--

Nitong mga nakalipas na araw, personal na sinuri ni Marcos ang 11 flood control projects sa Marikina, Iloilo, Bulacan, at Benguet matapos makatanggap ng reklamo mula sa publiko sa pamamagitan ng Sumbong Sa Pangulo portal.

Batay sa ulat ng Malacañang, umabot na sa 9,020 ang natanggap na reklamo hinggil sa kuwestiyonableng flood-control projects hanggang alas-9 ng umaga nitong Miyerkules.

Muling namang nanawagan ang Palasyo sa taumbayan na manatiling mapagmatyag at magsumbong ng anumang anomalya sa kanilang mga lugar.