--Ads--

Maglalabas ang Department of Agriculture (DA) ng humigit-kumulang 1.2 milyong sako o katumbas ng 100,000 metric tons ng lokal na bigas sa pamamagitan ng auction ngayong linggo.

Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang higit pang patatagin ang food security sa bansa.

Sa isang press briefing sa Malacañang, ipinaliwanag ng opisyal na layunin ng auction na mapaluwag ang mga bodega at makapagbigay ng espasyo para sa karagdagang suplay ng bigas. Tinatayang aabot sa P25 hanggang P28 kada kilo ang floor price ng bigas depende sa tagal ng pagkakaimbak nito.

Dagdag pa rito, bahagi rin ng inisyatiba ang pagpapalawak ng programang Benteng Bigas Meron na isinusulong ng administrasyong Marcos upang makatulong sa pagpapanatili ng matatag na presyo ng bigas sa merkado.

--Ads--

Tiniyak ng opisyal na mahigpit na mino-monitor ng DA ang galaw ng presyo upang maiwasan ang anumang uri ng pananamantala. Patuloy din aniya ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga magsasaka, rice millers at traders upang matiyak ang patas na kalakalan, maiwasan ang price manipulation, at mapanatiling maayos ang sitwasyon sa merkado sa kabila ng umiiral na rice import ban.