--Ads--

Ibinunyag ni Senator Panfilo Lacson na may bentahan umano ng accreditation para sa mga kontratista ng mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan, gaya ng mga flood control projects.

Sa kanyang interpelasyon hinggil sa privilege speech ni Lacson tungkol sa umano’y kalakaran ng ghost projects, tinanong ni Senate Minority Leader Tito Sotto III kung paano naaprubahan ang accreditation ng ilang kontratista na kabilang sa 15 contractor na nabanggit ng Pangulo bilang nakakuha ng malaking pondo para sa flood control projects, gayong natuklasan na ang isa sa mga kompanya ay dati nang na-blacklist ng gobyerno.

Ayon sa impormasyon na nakalap ni Lacson, umaabot sa P2 milyon ang bayad sa Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) para sa accreditation, at sila na umano ang nag-aasikaso ng bank certifications at iba pang kinakailangang dokumento.

Binigyang-diin ng senador na bahagi na ng problema sa burukrasya ang pagbebenta ng accreditation dahil sa huli, ang gobyerno rin ang nalulugi sa mga maanomalyang proyekto.

--Ads--

Dahil dito, nagkasundo sina Lacson at Sotto na ipatawag ang PCAB sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee upang imbestigahan ang isyu.