--Ads--

Nagrereklamo ang ilang magsasaka sa Calaccab, Angadanan, Isabela matapos masakop ng ginawang flood control project ang bahagi ng kanilang mga sinasakang lupa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Rosario Guio, isa sa mga magsasaka roon, sinabi niyang ilang metro ng kanilang lupain ang naapektuhan ng proyekto.

Ayon kay Guio, hindi tumugma sa napag-usapan ang aktuwal na ginawa ng contractor at hindi rin ipinaalam sa kanila ang eksaktong plano bago sinimulan ang proyekto.

Tinatayang tig-2 metro ang lapad at 25 metro ang haba ng lupang nasakop ng flood control project. Apat na magsasaka ang apektado at binayaran umano lamang sila ng tig-₱10,000, ngunit hindi malinaw kung ito ba’y kabayaran sa lupang nasakop o sa mga nasirang pananim.

--Ads--

Dagdag pa niya, basta na lang ibinigay ang pera at hindi ipinaliwanag kung ano ang saklaw nito. Tinatayang 15 linya ng mais ang sinira upang bigyang-daan ang proyekto, kahit na hindi pa ito nakapagbunga.

Una umanong sinabi ng mga tauhan ng proyekto na kailangang tanggalin agad ang kanilang pananim, dahilan upang mapilitan silang sirain ang mga ito.

Nang kanilang puntahan ang lugar, natapos na ang konstruksiyon at wala nang mga trabahador, kaya’t doon na nila nalaman na tuluyan nang nasakop ng dike ang kanilang lupain.

Dahil dito, lumapit sila sa Bombo Radyo Cauayan upang idulog ang kanilang hinaing.

Nais umano ng mga magsasaka na ipaayos ang flood control at itaas ang lebel ng kanilang lupa, dahil kung masisira ang dike, posibleng tuluyan nang lamunin ng ilog ang kanilang sinasaka.