Hihingi ng suporta sa lokal na pamahalaan ang mga magulang ng mga estudyante sa Cauayan South Central School matapos makapagtala ng mga kaso ng hand, foot, and mouth disease (HFMD).
Umabot na sa 30 ang naitalang kaso ng naturang sakit sa paaralan.
Karamihan sa mga tinamaan ay nasa Grade 1, habang wala namang naitalang kaso sa Grades 5 at 6.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Crispin Piñera, President ng Parent-Teachers Association (PTA) ng Cauayan South Central School, sinabi niyang napakaseryoso ng naturang usapin. Dahil dito, makikipag-ugnayan sila, katuwang ang pamunuan ng paaralan, sa pamahalaang panlungsod upang humingi ng kaukulang tulong at suporta para makontrol ang pagkalat ng HFMD sa nasabing paaralan.
Layon nito na hindi na kumalat pa ang sakit sa kalunsuran o sa ibang paaralan at hindi na makaapekto sa kalusugan ng mga bata at mag-aaral.
Una nang nagsuspinde ng face-to-face classes sa paaralan upang bigyang-daan ang malawakang disinfection sa mga silid-aralan at paligid ng campus.
Isinailalim naman sa alternative delivery mode (ADM) ang mga estudyante upang matiyak na magpapatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral.
Batay sa impormasyon mula sa pamunuan ng paaralan, ito ang unang pagkakataon na naitala ang mataas na kaso ng nasabing sakit sa Cauayan South Central School.
Payo ni Ginoong Piñera sa mga magulang na laging tiyakin ang tamang kalinisan at kalusugan ng kanilang mga anak upang hindi dapuan ng sakit. Iminungkahi rin niya na bigyan ng facemask at alcohol spray ang mga mag-aaral upang magamit sa pagdidisinfect ng sarili habang nasa paaralan.











