Natagpuan ang naagnas na katawan ng isang caretaker ng manukan matapos umanong patayin at ilibing ng kanyang mga kasamahan sa loob ng compound ng isang game farm sa Cebu City.
Kinilala ang biktima na si Jovani Bonghanoy alyas “Bani”, 46-anyos, caretaker ng mga derby chicken, at residente ng Lower Lobres, Brgy. Pung-ol Sibugay, Cebu City kung saan matatagpuan ang game farm na kanyang pinagtatrabahuan.
Batay sa inisyal na impormasyon, huling nakitang nakikipag-inuman ang biktima kasama ang game farm guard na si Jonathan Leoligao, at tatlong bagong trabahador na sina alyas “Jay”, 21 anyos, “Mark” 19 anyos, at “Riz” 16 anyos, sa guard house noong Linggo, Agosto 24, 2025.
Inisyal na impormasyon na ibinahagi ni Leoligao ang biktimang si “Bani” ay umalis sa bukid at hindi na muling nakita.
Sa kanilang paghahanap, napagmasdan nila ang bagong hinukay na lupa kung saan natagpuan ang naaagnas na bangkay ni Bonghanoy na nakabalot sa sako.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Malubog police kasabay ng Scene of the Crime Operatives, nabatid na may sugat sa leeg ang biktima at nasa advanced state of decomposition kaya nahirapan itong mahukay.
Ngunit sa karagdagang imbestigasyon sa insidente, umamin ang tatlong binata at positibong kinilala ang guwardiya na si Jonathan Leoligao na umano’y pumatay sa biktima at nag-utos sa kanila na “dalhin”, “linisin” at “ilibing” ang bangkay ng biktima noong Linggo ng hapon.
Bigla ding nawala si Leoligao, na tumulong sa paghahanap sa biktima nang sumapit ang gabi, at ngayon ay ikinokonsiderang person of interest.
Sa kasalukuyan, patuloy ang hot pursuit operation laban sa person of interest. Samantala, nananawagan ang mga kaanak ni Bonghanoy na agarang arestuhin ang umano’y pumatay kay Bani at ang pagresolba sa kaso.
Source: Bombo Radyo Cebu











