CAUAYAN CITY- Binawian ng buhay ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos masangkot sa aksidente dakong 9:20 kagabi sa kahabaan ng Provincial Road sa Barangay Cansan, Cabagan, Isabela.
Ang sangkot na sasakyan ay isang itim na Sniper 150 na motorsiklo na walang plaka, minamaneho ni Jake, di tunay na pangalan, 16 taong gulang, binata, estudyante at sakay nito ay Justin di tunay na pangalan, 16, at Loraine, di tunay na pangalan 14, kapwa estudyante at residente ng Barangay Baleleng, Santo Tomas, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj Merwin Villanueva, ang hepe ng Cabagan Police Station, binabaybay ng motorsiklo ang kanlurang direksyon patungong Santo Tomas proper nang biglang tumawid sa kalsada ang isang baka mula silangan patungong kanluran. Hindi napansin ng driver ang hayop kaya’t nabangga ito, dahilan upang tumilapon sa kalsada ang motorsiklo at mga sakay nito.
Agad silang isinugod ng MDRRMO Cabagan sa Milagros Albano District Hospital.
Gayunamn, ay idineklara si Justin na dead on arrival habang si Jake ay inilipat sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City para sa karagdagang gamutan subalit binawian ng buhay kalaunan.











